climb

libre nga ba ang mangarap?

hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makinig sa paunang talumpati ng pangulong noynoy aquino hinggil sa kalagayan ng bayan. bagaman tanggap ko ang kanyang pagkapanalo bilang pangulo ng republika, kailanman ay hindi ako kumbinsido sa kanyang kakayanang mamuno. hindi ako naniniwala na ang kawalan ng katiwalian at korapsyon lamang ang syang susi sa paglutas ng mga dinaramdam ng bayan. higit pang mas kumplikado at mas masalimuot ang mga bumabagabag sa bansa. kailangan ng malinaw at kongkretong plano sa pagsagot sa mga suliranin ng lipunan. kailangang maglapat ng makatotohanang patutunguhan. simula pa lamang ng kampanya nitong nakaraang eleksyon, hindi ako naniwalang ang mga matamis at mabulaklaking salitang tila lumulutang sa pantasya ay sapat para malapatan ng lunas ang mga sugat ng ekonomiya.

gayunpaman, hindi ko maiwasang mapansin ang mga naging reaksyon ng maraming tao sa talumpati ng pangulo. hindi ako madalas makisawsaw sa mga kaganapang pambansa, lalo na sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa pulitika, hindi dahil sa wala akong pakialam, kundi dahil sa paniniwala kong ang aking opinyon ay hindi na kinakailangan upang mapabuti ang kalagayan ng bayan. tahimik kong ginagampanan ang aking bahagi bilang mamamamayang pilipino, at ginagawa ko ang lahat ng paraan upang makamit ang pinapangarap ng bawat isa sa atin. kaya nga nababagabag ako sa ilan sa mga salitang binitawan ng pangulo: ang mismong mga salita na syang sinasabing pinaka-magandang bahagi ng kanyang talumpati.

isinara ni p-noy ang kanyang kauna-unahang SONA sa pagbitaw ng mga talinghagang ito: puwede na muling mangarap.

hindi ko lubos na maintindihan kung bakit ang apat na salitang ito ay nabigyan ng kumikinang na atensyon ng mga tao at umani ng sumisigabong palakpakan. ang mga katagang ito ba ay nagbigay sa inyo ng panibagong pag-asa?

para sa akin, isa lamang ang ibig sabihin nito: na si p-noy, o ang maraming pilipino, ay tumigil sa pangangarap. nagpatuloy sila sa pagiging pilipino, sa pagiging tao, na hindi umaasa sa mas magandang bukas. nawalan sila ng pag-asa. ipinagkait nila ang kanilang mga sarili ng isang bagay na maaari pang panghawakan ng maraming pilipino: ang pag-asang dinudulot ng pangarap. kung ito'y totoo, naaawa ako sa kanila. para bang hindi libre ang mangarap.

nais kong ipaliwanag kung bakit hindi napukaw ng aking damdamin ang mga salitang ginamit ni p-noy sa pagtatapos ng kanyang talumpati: ni minsan, hindi ako tumigil mangarap.

nangarap ako ng magandang buhay para sa aking sarili at gayun din sa aking pamilya.

nangarap ako ng isang pilipinas na nagkakaisa, na may kaunlarang tinutugunan ang mga tunay na pangangailangan ng bawat isa, na sensitibo sa kulturang katutubo, at may paggalang sa kalikasan.

nangarap ako ng kapayapaan sa katimugang mindanao at pangkalahatang seguridad ng mamamayang pilipino mula sa terorismo, krimen, at abuso ng mga karapatang pantao.

nangarap ako ng imprastrakturang makalulutas sa mga suliraning bumabagabag sa syudad at ng mga mahahalagang serbisyong nakararating sa kasuluk-sulukan ng pilipinas.

nangarap ako kahit pa bugbog ang bayan ng mga usapin ukol sa anomalya ng mga namumuno. pangarap na lamang ang nagbigay sa akin ng lakas para magpatuloy sa pagiging pilipino at pananatili sa pilipinas.

at patuloy pa rin akong nangagarap.

at hindi ako tumigil sa pangarap lamang. may ginagawa ako upang makamit ang mga pangarap na ito. hindi man ito maramdaman ng karamihan, may bahagi akong ginagampanan sa pagbabago.

pagbigyan nyo na lamang kung ang aking mga pangarap ay hindi malinaw. hindi kongkreto. wala akong oras magpaliwanag, at ako'y isang mamamayang pilipino lamang, hindi ako pangulo. kaya nga pangarap ang aking inilahad, hindi plano. pero kung may panahon kang makinig, maaari tayong magdiskurso.

hindi na ako kailangang paalalahanang maaari na muling mangarap dahil lamang nagpalit na ng administrasyon. mas gugustuhin ko pa sanang masabihang tumigil na sa pangangarap, sapagkat maaari nang magsimulang umasa ng lubusan.