climb

ang batu-batong bundok sa langit ng nasugbu


kasalukuyang balisawsaw ang utak ko nang lisanin ko ang aking pamamahay upang tumungo sa taft, kung saan magkikita-kita ang mga aakyat ng bundok ng batulao. gumising ako ng alas-8, pero dali-daling bumalik sa pagkakatulog sapagkat dumating ako sa bahay wala pang 3 oras ang nakalilipas. napainom ako ng kaunti at napakanta ng mas marami sa kalilipas lamang na gabi na humaba hanggang sa umaga, kaya't nang muli akong gumising ng alas-9, isang matinding sakit sa ulo ang aking naramdaman. gusto ko na sanang huwag tumuloy, pero nangako ako kay niño, at hindi ako tumatalikod sa pangako.


dali-dali kong hinugot ang aking kagamitan mula sa iba-ibang sisidlan: mga nagkalat na kahon, sa ilalim ng kama, sa ilalim ng lababo. nakumpleto ko ang lahat 10 minuto menos alas-10, at tinatawagan na ako ng aking mga bagong kaibigan. salat man sa tulog, nagpakita ako sa jollibee nang puno ng hiya at paumanhin. kumuha kami ng bus papuntang nasugbu, at bagaman nahihilo pa rin ako, hindi naman ako makatulog. maingay ang mga tao sa loob ng bus. karamihan sa kanila ay mga bata. ang bumuo ng akyat ay halos kalahati lang ng aking edad. nakilala ko si niño sa bundok ng pulag noong disyembre. naglalakas-lakasan sya noon at nakisabay sa aming matatanda sa inuman. hindi sya nagising ng umaga at hindi napanood ang malamyaw na pagsikat ng araw ni mamalasan ang dagat-dagatang ulap na siyang dinadagsa ng mga mamumundok. dala marahil ng kanyang kabataan, may lakas at tibay ng loob syang manguna sa mga gawaing tulad nito. saludo ako sa kanyang angking galak, pero tulad ng maraming bagay, hindi mo pa rin matatawaran ang kaalamang dala ng karanasan.


dumating kami sa tarangkahan ng evercrest lampas ala-1. tumigil muna kami doon at sumakay ng tricycle patungo sa simula ng aming pasanin bago mag-alas-3. napaka-init ng araw na iyon. hindi ako nakadala ng sombrero, at lumutong ang aking buhok sa tindi ng sikat ng araw. nakakabulag ang silayan ang bundok. parang kumikinang ito sa di kalayuan. ang daan patungo sa tuktok ng batulao ay nagsisimula sa isang maliit na komunidad ng mga magsasaka. batid ng mga lokal ang akit ng kabundukan sa mga taga-lungsod, at nagkalat sa kahabaan ng daan ang mga nagbebenta ng inuming pampalamig at buko. nagawi na ako dito noong 2007, subalit malaki na ang pinagbago ng lugar. noong huli, batid kong halos kami lang ng aking kasama ang nasa daan, liban sa iilang mamumundok na papauwi na. makalipas lamang ang ilang taon, tila yata wala nang ibang bundok na maaakyat, sapagkat aming napag-alamang mahigit 100 tao na ang nauna sa amin (at ilan pa ang dumating nang magsukob na ang liwanag at dilim).


ipinaalam ni niño na babagtasin namin ang bago at lumang daan sa batulao. ipinagmalaki nya rin na kami ay magtatayo ng aming mga tolda sa isang lihim na bahagi ng gubat. matarik pa rin ang sikat ng araw nang lakarin namin ang makitid na daan patungo sa ika-9 na tuktok. sa malayo, ang hugis ng batulao ay mahahalintulad sa panga ng isang higanteng reptilya, o di kaya sa bungi-bunging lagari. may mga bahagi ng bulaos na matarik, kakailanganin mong gumapang. malipas ang isang oras at kalahati, natunton din namin ang sikretong kampo ni niño. may ilan nang nauna sa amin duon. hindi pala siya ganoon katago, at hindi rin sya lihim. gayunpaman, dagli kong itinayo ang ang aking dilaw na tolda, at nagsimulang kumuha ng mga litrato gamit ang aking nikon coolpix P7000. isa itong eksperimento sa akin, sapagkat sanay akong magbuhat ng mabibigat na DSLR sa lahat ng aking akyat. papalapit na ang paglubog ng araw noon, at hinintay ko ang pagsabog ng kahel sa guhit-tagpuan. si niño naman ay bumalik sa daan sapagkat hindi pa dumarating ang aming mga kasamahang babae.


nang sumapit na ang gabi, naglabasan ang mga bituin at ang bilog na buwan na nagkalat ng liwanag sa mga ngipin ng batulao. malakas ang hampas ng hangin sa bundok, at nagsimula kaming kumain sa hapag na gawa sa dahon ng saging. tila yata kalahating sako ng kanin (oo, lutong kanin) at isang katerbang adobong manok ang ibinaon ni niño para sa grupong 22 lamang. matapos naming ligpitin ang pinagkainan, nagsimula na ang pagpapakawala ng mga espirito. ang pinili naming mga lason ay the bar vodka at kwatro kantos ng ginebra san miguel. dala marahil ng kapaguran at kakulangan sa tulog, hindi ako nagtagal. sayang, may mga posibilidad pa naman na maaaring mangyari.


gumising ako nang humilayaw ang aking telepono. gusto kong panoorin ang pagsikat ng araw. pagsilip ko sa langit, medyo maaga pa kaya't bumalik ako ng tulog. makalipas ang ilang minuto, tinawag ako ni niño para umakyat ng tuktok at duon panoorin ang bukang-liwayway. maiksi lamang ang daan, pero madulas. wala pa akong naaakyat na bundok na sing-alikabok ng batulao. parang binudburan ang daan ng pinong pulbo na kulay-abo. gayunpaman, ang tanawin sa tuktok ay ubod ng ganda. may ilang mamumundok na dito na nagtayo ng kanilang mga tolda. marahil, kung natuloy akong umakyat mag-isa, dito na rin ako nagpalipas ng gabi.


dagli lamang ang aming itinigil sa tuktok, at bumaba kaming agad upang mag-handa ng agahan. mabilis akong nakapagligpit, at tinuloy ang aking pagbagtas ng bundok patungo sa lumang daan. may ilang sisidlan ng basura pa ang naiwan sa aming kampo, at bagaman nag-iwan ako ng paalala na kailangan maibaba ang lahat ng ito, hindi ko masigurado. maya-maya pa'y nakabalik na ako sa tuktok, at nagsimula ang ilan sa pinakamahirap na bahagi ng akyat: ang pagbaba sa napakatarik na pader ng bato mula sa tuktok patungo sa iba pang mga kampo. may isang parte na nilagyan na ng tali, pero hindi ko ito ginamit. pagbaba namin sa ika-2 kampo, siningil kami ng P20 kahit pa dumaan lamang kami. ito'y malinaw na kikil. sumakit ang tiyan ko pagkatapos noon.


nang magtagpo ulit ang bago't lumang daan, nagpahinga kami ng aking kasabay na si james. may isang matabang lalaki na pababa. napakadumi ng suot niyang damit, at sumagi sa aking isip na tila ba gumulong sya sa alikabok. pero inisip ko rin na maaaring ganun talaga ang disenyo ng kanyang suot, nang magsalita ang kanyang kasama: "ano, gugulong ka ba ulit?" matapos ang ilang sandali, pinagpatuloy ko na ang pag-uwi, at hindi nagtagal, nakabalik na ako sa langsangang-bayan. naghanap kami ng makakainan at mapagliliguan, habang nagkakagulo ang mga tao sa pagkapanalo ni donaire laban kay montiel. nagdesisyon akong mauna na sa pag-uwi. nang sumakay ako ng pampublikong bus, ang ilan pa naming kasama ay nagpapaprito pa ng kanilang buhok sa araw. napakahaba ng byaheng iyon, pero narating ko ang makati bago magdilim.