climb

laban ng bayan

tawang tawa ako sa mga kaganapan kahapon, linggo. dumating ako ng umaga sa bahay. oo, umaga, dahil mag-aalas-singko na nang umalis kami sa pamamahay nina bien sa san juan. idinaos doon ang scorpio nights party ng AMCI. maraming hindi nakadalo -- marahil umakyat ng bundok o kaya nagpunta sa ibang okasyon. ako, kagagaling ko lang sa isang kasalan (at magsusulat ako ng hiwalay na entry tungkol dun), at dumiretso na ako sa piging. nagdala ulit ako ng kinilaw na gawa ng mommy ko mula sa mahigit 5 kilong tuna sashimi na inuwi ko mula general santos city. panalo. ang daming nasarapan. ang ininom ko: 2 cervesa negra, 3 strong ice, at mga pinaghalu-halong alcohol na hindi ko alam. swabe naman lahat, at bagaman kakaunti lang kami at walang gaanong nagsasayaw, masaya naman. nakita ko ulit si dennis matapos ang mahabang panahon, at nakausap ko na rin si malvin. nagkumustahan, nakipagkilanlan. at ako, nagkunwaring lasing. may tama ako nun, oo, pero hindi ako bangag. hindi weng weng. tamang tama lang. pero sobra akong inantok at nakatulog ako sa bench. kaya nang makauwi ako, gising na magulang ko. nag toothbrush lang ako gamit ang bago kong oral-B electronic toothbrush. haha. ang sayang mag-sipilyo ngayon. tapos, dumiretso na ako ng tulog. pagkagising ko, lampas alas-dose na. sa labas ng bahay, ang usapan tungkol sa labang morales-pacquiao.

siguro isa ako sa mabibilang na pilipino na walang pakialam sa laban na ito. hindi tulad ng maraming pilipinong tumigil ang pag-inog ng mundo sa pag-abang sa laban (kabilang na rin ang mga tita kong mula australia -- kaya nga nagtanong ako kung pumusta sila), wala ni hibla ng kagalakan o pintig ng kaba ang sumapi sa aking katauhan nang papalapit na ang kanilang laban. nung unang dalawang laban nina erik at manny, hindi man lang ako na-apektohan. bahagyang nagbago ito kahapon sapagkat pinanood ko rin naman ang laban -- dahil gustong panuurin ng kasambahay namin kung papano ipinanalo ni pacquiao ang suntukan sa loob lamang ng 3 rounds. oo -- alam na niyang nanalo sa manny, at nagtatalon at nagsisigaw sya. tumango lamang ako.

sa paningin ko, hindi ako salat sa pagkamakabayan dahil wala akong pakialam sa laban. sadya lamang na sa opinyon ko, hindi naman nakataya ang kagandahan ng buhay ng sambayanan dito. walang kinalaman ang bansang pilipinas dito. nang magsasalpukan na ang dalawa, sinabi ni dyan castillejo na ang labang ito ay para sa bayan, na walang pakialam si manny sa pera o sa kasikatan, basta lamang mabigyan ng kasiyahan at ng maipagmamalaki ang mga kapwa nya pilipino. basura yan. nung isang linggo lamang, si dyan din ang nagsabing kabibili lamang ni manny ng bagong mercedes benz. at bago yun, bumili rin siya ng porsche cayenne. hindi ko naman sinasabing wala siyang karapatang gastusin ang pera -- pero yun ang totoo, ang labang iyon ay para sa limpak-limpak na salapi. hindi naman iyon olympics, hindi asian games. hindi bayan ang nakataya, kundi ang mga pusta at kita ng mangilan-ngilan -- at ang karamihan sa kanila, hindi pilipino.

ito ang hindi ko maintindihan: bakit natin ipinupunyagi ang mga ganitong panalo, habang ang iba ay isinasawalang bahala? nang manalo si ronato alcano ng 5 milyon sa WPC, binigyan pa siya ng pangulo ng karagdagang 1 milyon. umaayon ako sa pagbigay ng pabuya sa atletang pilipino -- subalit sa kaso ni alcano, bakit pa kailangang dagdagan ang kanyang iuuwing pabuya? bakit hindi na lang ito gamitin sa pagsuporta ng ibang atletang pilipino -- yung mga naghihirap at nagbubuhos ng oras sa mga larong hindi kailanman magdadala ng karangyaan at kayamanan?

kaya nga hindi ako nasiyahan sa laban ni manny at erik, dahil may paglilinlang doon. at ito'y sa aking palagay lang naman. maaaring hindi ito mahalaga, pero ito'y aking opinyon na aking paninindigan. walang kinalaman ang bayan dun. buti sana kung ipamimigay ni manny at kanyang ipinanalo. kahit katiting lang -- siguro sa pagpapaganda ng mga kalye sa general santos city, o pagpapagawa ng bus terminal duon. ang maugong na balita sa dadiangas ay ito: si manny mahilig mamigay ng pera -- ang magpatalo sa larong bilyar at sabong. wag naman sana sa ganung paraan.

pero kahit hindi ako sinaniban ng excitement, nasiyahan pa rin ako sa aking panonood ng laban ni manny. ito ay nang makapanayam siya ni mario lopez. ito lang talaga ang nakapagpasaya sa akin. hindi man ako nabitin sa suntukan, gumulong naman ako sa mga salitang namutawi sa bibig ni manny. wagi! sana makakuha ako ng transcript ng panayam na yun. para laging sumaya ang araw ko.
Amen. Hay naku nakinig na lang ako sa radyo. Mas mabilis ang resulata sa radyo. Kaya mga alas dose, nag text na ako panalo si pacman. May kasalanan ka nga sa akin. harump!!!!