climb

in the mountain of dread


at yun na nga. pumayag akong makaladkad sa pag-akyat sa mt. san cristobal, ang yin sa yang ng banahaw, ang bundok na sinasabing pinamamahayan ng di-mabilang na mga elemento, laman-lupa, multo, ispirito, aswang, at ang madalas pinangyayarihan ng mga di-maipaliwanag na mga kababalaghang makapanindig balahibo. matagal na ang huling akyat ko sa san cristobal, at nang marinig kong nagbabalak umakyat dito si bossing at si bojo, pumayag akong sumama kahit pa hindi ko man lang nadaluhan ang una at pangalawang pre-climb. namili na lang ako ng kung anu-ano, at pinuno ko ang backpack ko ng mga bagay na pampabigat lang.

bago mag alas-sais ng umaga, habang nag-aagaw ang dilim at liwanag sa malungkot na intersection ng taft at buendia, nagtipun-tipon kami sa wendy's. ngunit sa kadahilanang hindi naman ito training climb, mahigit kalahati sa grupo ang hindi dumating sa takdang oras. tinagurian itong fun climb ni bossing, at ito'y sapat na upang magluwal ng maraming pagdududa. ang huling fun climb nila ay ang anawangin, kung saan naligaw sila, di mahanap ang daan, at natulog sa lupa. siguro naman, isip ko, hindi ito mangyayari sa pagkakataong ito.

pag-alis ng bus mula maynila, mabilis itong nakarating ng laguna. ngunit tulad ng dati, may kabigatan ang pagdaloy ng mga sasakyan sa bahaging ito ng probinsya. umusad ng mabagal ang aming sinasakyang bus. bahagya akong magigising sa aking pagkakatulog habang mabagal nitong binagtas ang hi-way. akala ko matagal pa bago namin mararating ang san pablo, ngunit dagli akong ginising na biglaan nitong paghinto. ibinaba kami sa isang panulukan, kung saan may chow king, at naroon na rin ang aming jeep. maaga pa itong naghihintay.

dali-dali naming isinalin ang aming mga malalaki at mabibigat na bag sa jeep, habang bigla-bigla namang nagbago ang isip ng isa sa mga panauhin. "i have a heart condition, and i don't want to spoil the climb," wika nya. mararamdaman na sa hangin ang pagdating ng isang ulan. hindi naman maitim ang kalangitan. marahil, ito ang dahilan kung bakit, pag-apak nya sa lupa, dagli nyang naramdaman ang paparating na malas. kanino nga ba naaakit ang masamang panahon? wala naman ako sa anawangin. marahil, hindi ako.

pagdating namin sa jump-off, bumaba na kami at sinuot ang aming mga backpack. ako muli ang nagdasal para sa grupo. may mga patak nang nakalambitin mula sa langit, at hindi ko na hiningi ang magandang panahon mula sa Diyos. kung ang nais niya'y magbuhos ng unos, wala akong magagawa doon. kahit ilang dasal pa ang sasambitin ko. hiniling ko na lamang na sana'y malayo kami sa disgrasya. at nagsimula na ang paglalakad. dahil nga mahigit 2 taon na ang lumipas, wala akong maalala sa bundok. maging ang daan.

ilang minuto lang at narating na namin ang montelibano. doon kami huminto para sa tanghalian. tuloy-tuloy ang pagpatak ng ulan. mahina lamang pero hindi tumitigil. malakas din ang hangin, at makapal ang ulap na parang nagtatabing sa banahaw. hindi namin ito masilayan. at kahit pa hindi ko matandaan ang tamang daan, ako ang nasa unahan. nagboluntaryong mag-lead pack.

pagpasok namin sa gubat, ramdam ko ang kaibahan sa kanya. basang-basa sya. nababalot ng di-nakikitang hiwaga. subalit patuloy lang ako sa paglalakad, sa paghakbang ng aking mga paa, at paghila na aking sarili papataas, sa ilalim ng mga nakahigang mga puno, sa gilid ng bangin, sa pagitan ng matataas na mga talahib, sa daang tinahak na ng maraming mamumundok na nauna na sa amin. tulad ng dati, namumukadkad ang bundok ng san cristobal ng di-mabilang na mga halaman at sari-saring mga ibon. mula sa mga nagwawagayway na mga tangkay ng puno, namumutawi ang klase-klaseng iyak, huni, hiyaw at awit ng mga ibon. minsan, maririnig mo pa ang kanilang paglipad: ang pagkumpas ng kanilang pakpak, ang pagkalagas ng kanilang mga balahibo. at dahil ako ang nasa unahan, marahil, ako lang ang nagkapalad na makita sila, mga mahiyaing nilalang na nababalot ng kung anu-anong kulay.

matapos ang mahigit 2 oras lamang na di man lang ako sumubo ng kahit anong trail food, narating ko ang labi ng nahihimlay na bulkan. puno ito ng tubig, at bagaman hanggang tuhod lamang ang lalim nito, may taglay itong kapangyarihan na humihila't tumutulak. kinatakutan kong lumapit sa crater lake. pakiramdam ko'y may lalamon sa akin. hinintay na lamang namin si bossing upang dalhin kami sa AMCI campsite, na iba sa campsite na dati kong tinirikan ng aking tent. inisip ko, sa kalagayan ng traditional campsite, marahil, mahigit 3 pulgada din ang naipong tubig doon. tent ang dala namin at hindi bangka.

pagdating ni bossing, dinala nya kami sa bagong campsite: mas mataas sa crater, at dahil sa hugis nito, siguradong hindi babahain. bagaman patuloy ang pagtulo ng ulan at pagdayo ng malakas na hangin, nakapagpatayo kami ng tent. 17 lamang kami, subalit 10 ang mga tent na naroon. ganyan ang nangyayari kapag hindi dumadalo sa pre-climb. wala pa mang alas-4 pero parang mahirap gumalaw. malamig. basa. maputik. fun climb. sino nga ba ang may dala ng malas?

gayunpaman, nagsimula kaming maghanda ng hapunan bandang alas-4:30. sari-sari ang putahe: adobong isaw, smoked salmon, pasta na may sun dried tomatoes (red pesto) at meatballs, pesto pasta at hipon, napakaraming panghimagas. pagkatapos ng hapunan, nadagdagan ang mga ispirito ng san cristobal nang buksan namin ang aming mga alak. tumutugtog ang dala kong speakers. "don't play music!" sigaw ni vince. ayon sa kanya, lalong nagngangalit ang mga ispirito dahil sa musika. lalo lang daw lalakas ang hangin at ulan. bandang alas-7, nagtipon-tipon kami sa bagung-bagong mountainsmith ni cecil. 9 kaming nagkasya dun, nagpapasahan ng alak at mga kuwento at mga biro. syempre, bangka na naman ako. at ang kim, nakikisabay. palibhasa'y wasak na naman. "i can move my pecs," pagmamalaki ko. "so what? i have 2 pecs," sabi nya. andaming katawa-tawang mga pangyayarin ng gabing iyon. di ko na maalala lahat. palibhasa'y bangag din ako. ang huli kong naalala, matapos halikan ni kim ang lupang sinukahan nya, lumipat kami sa aking tent. 5 na lamang kami, pero nagpatuloy ang socials. matapos kong tumanggi sa huling shot na inaabot sa akin ni TJ, blackout.

nang magising ako, alas-5 na ng umaga. labis akong nilalamig. bumangon ako at hinanap ang aking malong, nagsuot ng medyas at bonnet, at bumalik ng tulog. hindi ko man lang namalayang umalis sila bossing, bojo at TJ. pagkatapos ng 2 oras, bumangon na rin ako para maghanda ng agahan. napakalamig pa rin ng paligid. basa pa rin. maputik pa rin. fun climb.

mabilis kaming kumain. pero alas 10 na, halos hindi pa ako tapos sa pagligpit ng gamit ko. pinutikan ko na ang aking sarili, at nagkalat ang dumi. kaya nagmadali na ako sa pagbaba. hindi ganito kahirap ang alaala ko sa huling akyat at baba ko sa san cristobal. pakiwari ko'y nagbago ang bundok, napatakan lang ng tubig. maraming dulas, maraming harang sa daan. parang ang haba, pero kung tutuusin, maiksi lang. wala pang isang oras at kalahati, narating na namin ang montelibano. hindi man lang kami huminto ni minsan. pero masakit na ang aking mga binti. pinaglalaruan na ako ng mga engkanto. lumalabo na ang aking paningin. nang lampasan na namin ang montelibano, biglaang nag-asul ang kalangitan, huminto ang pagpatak ng ulan, at nahawi ang makapal na ulap na nakatalukbong sa banahaw. hinintay lang pala kaming mawala. gaganda rin pala ang panahon.

dinala kami ng jeep sa kinabuhayan kung saan kami nag-tanghalian. rosalinda na naman ako. "where do you get your passion for cooking?" tanong ni ryan. "i just want to eat good food even in the mountains," sagot ko.

alas-4 na nang makaligo kaming lahat. at bandang alas-6:30, nasa manila na kaming lahat. may oras pa para paghandaan ang pagsalubong ng bagont taon. ang mga adik sa pamumundok, walang pinipiling oras, walang pinipiling panahon, walang pinipiling okasyon. basta may pagkakataon, maglalakad, magbubuhat, at magpapakasaya sa bundok.
Hey dave...
nice pic and entry. in full filipino (although you need to look up what trail food is). but it was quite impressive huh?!
anyway just dropped by to say hi. haven't climb for a long time.
regards, art psi2004.
Re: Hey dave...
hey art. it's good of you to drop by again. salamat. musta na? kelangan mo nang umakyat ulit. ako naman, i really have to practice my filipino more. andaming salita dito na walang translation or equivalent sa filipino. ayoko namang gawing parang pagbalasubas ng inggles at tagalog ang sinulat ko. practice lang. :D
thanks
(Anonymous)
ahh!~!!! ang ganda ng sinul;at mo!!!! nakakuha akko ng mga important details about mt. cristobal!1!!! thnx tlaga
Re: thanks
maraming salamat! ngayon ko na lang ulit nabasa ang entry na ito. at sumasang-ayon ako. maganda nga ang naisulat ko.

sana wag kang magsawa sa pagbasa ng aking mga nilikha. :D